Pili Not
Unknown
Tuesday, June 12, 2012
Araw ngayon ng kalayaan ng Pilipinas... Mabuhay ang mga Pilipino... Pero wala akong maisip i-blog patungkol dito... Hayaan nyo nalang akong magbuhos ng ilang bagay na gumugulo sa aking mumunting isip.***
Minsan sa buhay, hindi natin maiiwasang maharap sa isang sitwasyon kung saan kailangan tayong pumili. Mahirap lalo na kung ito ay sa pagitan ng dalawang bagay na sa tingin natin ay parehong may mabuting maidudulot. Pero gaya ng mga exam sa eskwela, bago matapos ang inilaan na oras ay kailangan nating magdesisyon kung nais talaga natin makakuha ng mataas na marka.Kamakailan lang, naharap ako sa parehong sitwasyon. Isang desisyon na magdidikta sa aking kinabukasan...
Siguro para sa ibang tao madali lamang itong pagdesisyunan. Pero para sa akin, isa ito sa mga bagay na lubos akong nahirapan. Alin ba ang mas makakabuti para sa akin: ang mag-aral muli sa pag-asang balang araw ay may naghihintay na mas magandang opurtunidad, o ang simulan na ang paghahanap sa swerte at unti-unting ipundar ang mga pangarap? Mahirap sapagkat lubos akong napamahal at pinapahalagahan ko ang pag-aaral. Mahirap sapagkat masyado pa akong bata para magtrabaho pero kinakailangan.
Salamat sa payo at yakap mula sa isang espesyal na kaibigan. Ang sabi nya sa akin, "Aw. Huuugs. Siguro ganito nalang, kung 50:50 ngayon ikaw. Kapag nakapili kana kung ano talaga. Do your best to make that 50% a 100%. Para no regrets in the end."
Sa tulong niya'y nakapagdesisyon akong piliin ang pangalawa. Hindi ko alam kung bakit, basta sa mga panahong iyon kumapit nalang ako sa paniniwalang magaling at mahusay ako. Tiwala lang sa sarili ang pinaka-kailangan ko.
Makalipas ang ilang araw, heto na naman ako. Muling nahaharap sa parehong sitwasyon ngunit magkaiba lang ang pagpipilian. Ang sabi ko noon, "Sa panahong kailangan kong pumili, kailangan ko lang isipin kung alin yung mas makapagpapasaya sa akin kaysa doon sa pinaka best." Ngunit mukhang hindi talaga sa lahat ng bagay maisasabuhay mo ay iyong mga paniniwala. Sa sitwasyong ito'y pareho silang makapagpapasaya sa akin, sa magkaibang aspeto nga lang. Oh kay hirap pumili: passion without any costs or work with fulfillment?
May kalabuan kung titignan. Maganda siguro kung dadaanin natin sa lenggwaheng karamihan sa atin ay nasa edad na para maintindihan... Ganito yun!
Parang pag-ibig lang, alin mas pipiliin mo sa dalawa?! Yung tao na lubos mong mahal at matagal mo na ring pinapangarap pero sa kabila ng lahat hindi ka naman magawang suklian kahit kakarampot na pagmamahal. O kaya naman, sa isang tao na minamahal at pinapahalagahan ka, at sa tingin mo'y hindi naman malayong mahalin mo rin.
Sagot ng isang kaibigan, "Ang hirap naman. Pero sa tingin ko, dun parin ako sa una. Hindi naman kasi kailangang suklian ang pagmamahal . Siguro magiging masaya nalang din ako kapag nakita ko siyang masaya kahit sa piling ng iba. Baduy pero sa tingin ko iyon ang ibig sabihin ng tunay na pagmamahal."
May punto siya...
Opinyon naman ng isa pang kaibigan, "Hindi mo masasabing pagmamahal ang isang bagay kung may isang taong nasasaktan. Kaya nga siguro may mga taong pilit na kinukumbinsi ang sarili na okay lang ang lahat kahit hindi naman. Sa tingin ko, ang tunay na pag-ibig ay ipinaglalaban sapagkat hindi ito isang bagay lamang na kapag hindi mo na kayang hawakan ay basta mo nalang bibitawan."
May punto rin naman siya...
Ako? Ano namang masasabi ko patungkol dito?! Siguro gaya nalang ng paulit ulit kong sinasabi, "Ang pag-ibig kailangan magsimula sa sarili. At sa pagtatapos ng araw walang ibang makapagsasabi kung sino ang nararapat para saiyo, walang iba kundi ang sarili mo. Hindi ang nanay mo, ang tatay, kuya, ate, tito, tita o kung sino mang poncio pilato. Ikaw ang mas nakakakilala sa sarili mo higit kanino man, IKAW dapat ang may alam sa kung saan o kanino ka tunay na magiging maligaya."
Hanggang sa ngayon wala pa akong pinal na desisyon. Hindi ko pa mahanap ang aking sarili upang magdesisyon para sa aking sarili. Kahit alin man siguro ang piliin ko sa dalawa, naniniwala parin naman ako na lahat ng bagay ay nagtatapos ng maayos. Mukhang masyado na naman akong sinisipagan magpahayag ng aking mga saloobin. Bago pa mapunta ito sa kawalang kwentahan, maiging tapusin ko na dito. Makakapili rin ako!